“Magpatuloy sa Pagmamahal”

Noong isang araw (nung isang linggo pa ata pero ‘di ako sigurado…), bumasa si Bobby Guev ng isang tula bilang panalangin sa simula ng aming klase. Isinulat ang tulang ito ng isa sa kanyang mga naging estudyante sa klaseng Teolohiya ng Pagpapalaya. Mangyari Lamang na basahin mo ito ng mabagal, at namnamin ang bawat linya:

Mangyari lamang ay tumayo ang mga nagmamahal
Nang makita ng lahat ang mukha ng pag-ibig
Ipamalas ang tamis ng malalim na pagkakaunawaan
Sa mga malabo ang paningin.

Mangyari lamang na tumayo rin ang mga nagmahal at nasawi
Nang makita ng lahat ang mga sugat ng isang bayani
Ipadama ang pait ng kabiguan
Habang ipinagbubunyi ang walang katulad na kagitingan ng isang nagtaya.

Mangyari lamang ay tumayo ang mga nangangambang magmahal
Nang makita ng lahat ang kilos ng isang bata
Ipamalas ang katapatan ng damdamin na pilit ikinukubli
Ng pusong lumaki sa mga engkanto’t diwata.

Mangyari lamang na tumayo ang nagmahal, minahal at iniwan, ngunit handa pa ring magmahal
Nang makita ng lahat ang yaman ng karanasan
Ipamalas ang katotohanang nasaksihan
Nang maging makahulugan ang mga paghahagulhol sa dilim.

At sa mga nanatiling nakaupo
Mangyari lamang ay dahan-dahang tumalilis palabas sa nakangangang pinto
Umuwi na kayo!
At sumbatan ang mga magulang na nagpalaki ng isang halimaw.

At sa lahat ng mga nakaiwang nakatayo
Mangyari lamang na hagkan ang isa’t isa, at yakapin ang mga sugatan
Mabuhay tayong lahat na nagsisikap makabalik sa ating pinagmulan
Manatiling masaya, at higit sa lahat, magpatuloy sa pagmamahal.

Mangyari Lamang, Rico Abelardo

Napagtanto kong madalas kung bumanggit si Bobby Guev ng mga kwento ukol sa kanyang mga naging estudyante dati. At natanong ko sa aking sarili: Ibabahagi niya rin kaya ang kwento ko isang taon, limang taon, sampung taon mula ngayon?

Pero mahalaga pa ba yun? Ano nga ba ang kwento ko? Kung tutuusin, sa dinami-rami ng taong tumapak sa at lilisanin ang Ateneo, hindi ako importante.  Aalis ako ngayong Marso, at hindi malalaman ng kalahati (o mas marami pa) ng mga kasabay kong magtatapos na ang pangalan ko talaga ay Bethany Joy (at palayaw ko lang sa kolehiyo ang Jee); na gusto kong maging isang matagumpay na mamamahayag; na umibig ako’t nasaktan (kesoballz) ngunit tulad ng panawagan sa tula, pinipili ko pa ring magpatuloy sa pagmamahal.

Kaya kung may himala man at maikwento ako ni Bobby Guev sa mga magiging estudyante nya sa hinaharap, nais ko sanang ikwento nya ako bilang nagmahal matapos ang lahat. Hindi ko alam kung isang taon, limang taon, sampung taon mula ngayon ay isa na akong ispesyal na tao, pero nais ko sanang makilala ako ng karamihan bilang nagmahal matapos ang lahat.

Dahil–at hindi na ito bagong katotohanan–nananatili ang pagmamahal maglaho man ang lahat.

2 thoughts on ““Magpatuloy sa Pagmamahal”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s